PAALALA: Sa di alam na kadahilanan ay nagkaroon nanaman ng komplikasyon ang mga bagay na wawagaywag sa kwentong ito. Ang tadhana ay pinaglaruan nanaman ang isang kalahating demonyong tulad ko kaya't huli nanaman ng isang araw ang tala na ito.
*hikab*
Mukhang mabo-bore ako ngayong gabi. Paano, tuluyan na yatang bumigay yung modem ng DSL. Grabe kasi kaming mang-alipin, hayan, hindi na nakayanan. Luwag-loob lang sa akin na hindi sa akin bumagsak ang sisi, dahil wala ako dito. Pero bakit naman ganun...marami akong dapat ikonsulta sa malaking mundo. Marami akong tanong at kompirmasyon. Pero ano nga bang magagawa natin... sa bagal pa naman ng serbisyo ng PLDT, baka next year pa maayos yan. O depende na rin sa mga magulang namin kung patatawarin kami sa pang-aalipin na ginawa namin. Hayan, na-karma tuloy kami.
Kaya alalahanin, LATE ang tala na ito.
Sige, magke-kwento nalang ako. Sa harap ko nga ngayon yung mga dapat kong basahin, pero sige, itatabi ko na muna siya para mamaya may gagawin na ako. Magba-bonding nanaman kami ng maaga ng aklatan nito. Sige, time management.


Noong Sabado ang unang sabak namin sa pagtuturo para sa National Service Training Service o NSTP na iniaalok, ay hindi, kailangan namin na gawin dahil na rin na requirement hindi lang ng paaralan, kundi dahil na rin nasasaad sa batas. Sa totoo lang, wala naman akong reklamo sa NSTP namin. Maayos naman MINSAN ang pagpapalakad ng mga namamahala. Oo, MINSAN. Dahil aaminin ko, at isususmbong ko sa inyo, na minsan malabo ang mga panuto at "Pilipino time" lagi, simula sa orientation, assembly o exams. Nakakabwiset. Tulad noong Sabado, ang call-time ay 8:30 ng umaga, istriktong sinabi na kailangang "on time" ka, kung hindi ay INC ka na. Pero noong andoon na kami, parang hindi magka-wari ang aming facilitator kung asaan na yung mga tuturuan at kung saan kami ilulugar. Ang labo, mainit at nakakaburaot. Mabuti nalang masaya at bibo yung mga kaklase ko kaya malamig pa yung ulo ko. Yan, magaling lang naman sila manakot eh. Late nga kami eh, kasi 8:40 na kami dumating, pero halos tatlong oras mula sa itinakdang oras bago kami magsimula. Kainis. Mabuti nalang talaga, ang ke-kwela nung mga batang tinuruan namin kaya parang nakakawala ng pagod at inis. Mahilig ako sa bata, lalo na kung bibo. Napaka inosente kasi nila, at tulog pa ang kamalayan nila mula sa kadiliman ng mundong kanilang ginagalawan. At dito ko rin nakunan ng litrato ang aking pangarap na shot, MGA BATANG NAGLALARO o NAKANGITI. Ang sarap sa pakiramdam. Paki-tignan nalang po ang Deviantart ko, salamat!
Bandang ala-una na rin ata ng makabalik kami ng UST. Kumaain, nagkwentuhan, tawanan sa malapit na canteen na may masarap na SIOMAISILOG ang sinamsam namin ng halos isa't kalahating oras. Matapos nun ay sinamahan ko ang kamag-aral kong si Sharyn sa kanyang dorm para magpalit ng damit. Dito na rin nagkaroon ng konting Photoshoot session. Sayang kasi ang lighting at ganda ng upuan. Lalo na model figure ang lola ko!
Uh-hummmmmm....
Nag library kami at doon naghanap ng masasagot para sa mga takdang aralin. Balak ko sanang umuwi ng maaga noong araw na iyon, kaso na engganyo din naman ako sa mga libro. Kung titignan kami, mukhang napaka-sipag namin dahil patung-patong ang mga libro tungkol sa literatura ang nasa harap namin.
Ilan sa mga nahiram namin na libro ay nalimbag na isandaan taon na ang nakalilipas kaya ang mga unang pahina ay tila manwal na dinesenyuhan at hindi kopya.


Sa pagbabasa, umabot kami ng 7:30 ng gabi, isama na ang pagpapa-xerox ng mga babasahin. Nahiram ko din ang librong "Methamorphosis" ni Franz Kafka na na-mention sa Fiction class namin. Ang galing nga eh, kasi graphic novel siya kaya hindi ko na kailangan hiramin ng isang linggo tulad nung "Dekada '70" ni Lualhati Bautista idol. Sa pag ninilay ko sa kwentong Methamorphosis, hindi ko alam kung tama ako. Dahil hindi ko maalala yung binigay na sagot ng guro ko. Ang paglalapat ng mensahe ay parang sa "Alamat ng Gubat" ni Bob Ong. Kung hindi mo pagninilayan ang kalagayan ng mga tauhan at ang kanilang mismong ugali, parang ordinaryo lang siya. Medyo naawa nga lang ako kay Gregor, dahill hindi na siya bumalik sa dati, at halos itakwil na siya ng pamilya niyang minsang sumandal sa kanya para sa pera.
Matapos ako manggaling sa library, ay nagkita kami ni Mao para manood ng concert sa kanila. Yoon na kasi yung huling pagdiriwang para sa CFAD week nila. Sayang at hindi nanalo yuong BIOMAN presentation nila. Dapat sila ang nanalo. Hindi ko sinasabi ito dahil kaibigan ko sila at mahal ko ang visual arts at sentai, kung hindi nagsasalita ako bilang isang mang o-obserba. Nakita ko naman kung gaano natuwa ang mga manonood sa BIOMAN at sila ang pinakakakaiba. Hindi ko rin alam kung bakit pero ang dami kasing "gothic" ang theme. Redundant na yun para sa akin, dahil sa CFAD, normal na ang itim. Masaya naman na makakita ka ng spandex at makulay na helmet paminsan. Sama mo pa ang nakakatuwang pose ng mga lalaki. Hanep. Ayos lang, ang imporatante dun ay madaming natuwa. Pero naiintindihan ko naman ang pagkadismaya nila, dahil sa pagod mo nga naman sa paggawa ng costume, masarap marinig na nanalo ka at may parangal.
Babalik ako sa concert (dahil nalihis ako sa BIOMAN). Tatlong banda nalang ang inabutan ko. Dalawa sa kanila ang hindi ko matandaan ang pangalan, pero ang huli ay CHICOSCI. Ayus ba? Oo, sikat sila sa rock music scene, pero wala akong alam na kanta nila. Aaminin ko, piling rock bands lang talaga ang gusto ko, at CHICOSCI ay hindi kasama sa listahan ko. Pero na-enjoy ko naman ang tugtugan, lalo na yung banda ng prof nila Mao, ang gaganda ng kanta, hanep. At ang pogi ni Miggy (CHICOSCI). Hmm.

Alas-onse na ko nakauwi, at nagaalburuto akong tinext ng kuya ko dahil nakaligtaan ko nanaman ang pagpapaalam ko. Kinabahan ako, pero naisip ko, kasalanan ko din naman. At nabuhay naman ako nung mga huling pagkakataon na nangyari 'to, yun nga lang, sangkatutak na pangaral. Mas malupit magpangaral ang kapatid ko kaysa sa nanay ko, ugaling namana ng kuya ko sa tatay ko. Bagay din na hindi ko alam kung alam niya. Dapat nga pala kasi sa Boni ang tuloy ko, kaya nagalala nanaman sila. Di na muna ako tumuloy, baka mabulyawan ako. Palamigin muna ang ulo ni Boss. Sa Makati naman, nahihimlay ang boss ng boss ko. Nahihimlay dahil alam kong sa oras na iyon, eh na-abanduna nanaman ni Mamoy ang panonood ng TV at kuryente para sa panaginipan. Yun nga lang, nung pagpasok ko, nakatitig na ng masama sa akin. Naalala ko, 7:30 nga pala ang paalam ko. Hala. Pero dahil mahal talaga ako ng nanay ko, inuna niya muna akong tanungin kung kumain na ko, bago ako paulanan ng sipa at lamugim ang kalahati ng katawan kong naka-harap sa kanya. Tumatawa na nga siya ilang sandali kaso bumigat nanaman nung sinabi niyang:
"Patay ka kay Michael."
Patay talaga.
Kakandirit na ang kwento ko ngayong Lunes (Nov. 20, 2006) mula Sabado at etsapwerang Linggo, dahil bukod sa kulitan namin ni Mamoy, kulitan lang talaga ang nangyari. Ay hinde! Pasensiya na, nanalo nga pala si Paquiao laban kay Morales. Walang thrill. Ni hindi man lang ako nanggigil. Walang tili. Matapos ang tatlong round, bagsak na ang "el terible" ng Mexico. Sa isang banda ay naawa ako kay Morales dahil parang nakita ko ang biglaang pagbagsak ng isang minsan na tinuring na kayamanan ng bansa nila, tulad ni Paquiao sa Pilipinas. Naroon pa naman ang kanyang ama. Ang sabi ng nanay ko, puro yabang daw kasi si Morales. Sa tingin ko, kung hindi magiging mayabang si Morales, ay wala na siyang panghahawakang tapang. Dahil kung totoo nga ang naririnig ko na humihina na siya at nalalaos, hindi ba't tiwala sa sarili nalang ang panlaban niya sa pressure at kalungkutan sa pagkawala ng spotlight sa kanya?
Lunes. Heto na, mag-aaral nanaman ang karakter ko. Sa tuwi-tuwina ay nananapak pa rin si Mamoy at linalambing ko kapag naaalala niya yung pag-uwi ko, pero pinagpaplantsa naman ako at binilhan ng napakasarap na mainit na pandesal, palaman ang Mayonaise at mantikilya na pagpipilian, kombohan mo pa ng mainit na kape...langit! bandang alas otso imedya ay umalis na ako ng bahay at nagbiling sa Boni na ang tuloy. Isang halik, yakap at sapak uli mula kay Mamoy. Ang sarap niya talagang maging nanay. Sa kagustuhan kong matapos ang nobela ni idol Luwalhati, imbis na basahin ko ang mga nakatakdang basahin para sa mga asignatura ko ng araw na ito, ay ilinaan ko ang oras sa loob ng dyip para maka-chismisan si Mrs. Amelia Bartolome. Alas diyes ng marating ko muli ang library para magbasa ng para sa Speech Com at Rizal. Dun muli ako sa natipuhan kong pwesto sa Library. Hindi ko na rin sasabihin kung saan, dahil baka agawan mo ako. Hehe. Hindi ko rin natapos ang Rizal, pero hindi ko mapigilang itinta sa papel ang mga reaksiyon at pagninilay sa binasa. Pulitikal nanaman kasi eh. May nginig nanaman ako tungkol sa usapin. Umakyat ako sandali sa palapag ng Siyensya para maghanap ng libro sa Cells na siyang diskusyon sa Natural Science. Subalit ng mapansin ko ay oras narin para pumasok kaya di na rin ako nakahiram.
Ang mga sumunod na pangyayari ay masarap i-censored dahil ayokong sabihin pero dahil madaldal ang mga daliri ko ay sasabihin ko na din---pero di lahat, ha. Pumasok ako na medyo malagkit--dahil sa pawis. Mainit kaya. Ang sabi ni K-Ann, parang ang ganda ko daw, at samu't saring mukha na ang nakangiti sa akin. Sandali, nakakapagtaka...bakit kaya? Hanggang sa nakita kong nakangisi ang isang pamilyar na mukha na nakaupo lagi sa likod ko, si Mark. Hayan na ang pahayag... "Si Michelle, may 'boylet'. Pangalan *****." At hiyaw ng mga kaklase ko, pati na ang solid bakla row. Hala na. Siyempre *switch to lola mode* ang lola mo naman, todo ngiti at kinilig to the nerves ang beauty ko! Hayan, know na ng buong 2Lit. Na-shy na ko... *end of lola mode* Sa totoo lang, ayoko kasing marami ang makaalam kasi baka may nakakakilala sa kanya at may galit sa akin, mabuko ako. Ayaw. Ayos na kong nangangarap. At least, buo yung pantasya. Walang lamat, lahat pulido. Pero dahil sa nabuko na rin, sige, paliwanag nalang na "crush" lang yun at wala ng iba. Pakiusap sa paglilihim nito at wag ng usisain dahil pumapadyak ang paa ko kapag kinikilig. Haaay. Pero di naman ako galit kay Mark, nakakahiya lang talaga. Hehe. Pero pasalamat ko na rin sa taong ito dahil kung di sa kanya, wala yung "moment" na iyon. Hehe. Landi ko!
Maayos naman ang takbo ng mga sumunod na asignatura at nababaon na rin sa limot si *toot*. Nat Sci at wala si Sir. Yehey, diba? May ginawa akong hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa ng lubos. May seatwork kasi at dapat na ipasa ng araw na iyon. Dahil nga hindi ako nakahiram ng libro ay wala akong masagot. Akala ko rin ay hindi na kikilos ang mga kaklase kong iba dahil pare-pareho lang kaming walang reference. Nawalan na ako ng gana at di na talaga gumawa kahit nakita kong kumilos na ang mga kasama ko. Kinse minutos nalang at uwian na; pasahan na ng papel. Isang anghel at demonyo at nag-sparring sa loob-loob ko. Ang sabi ng isa: "Sige panagutan mo na, wala ng oras at patunayan mong kaya mong panindigan ang naging desisyon mo." Ang sabi naman nung isa: "Habol ka. May ilang minuto pa at kaya mo pang sumagot ng ilang tanong. Para man lang may mapasa ka, dahil patay ka sa Wednesday, di ka gumawa tapos nasa-attendance ka." Sabat ng isa muli na may kasamang suntok sa sikmura: "May kasama ka naman eh. Andami nila oh. Lagpas ng isang kamay." At di na nakatayo si Anghel. Panalo ang demonyo. Sa loob ko, natuwa ako dahil ng napanindigan ko yung desisyon ko, para bang may umusbong na tapang sa loob ko matapos yoon. At hindi ba, lahat naman ng tao nakakaranas ng pagrerebelde kahit minsan sa buhay nila? Yun siguro yon.
Sumaglit sa library at kumain kasama si Miguchi. Matagal na din akong di nalilibre ng taong ito, kaya salamat po sa fishball, kikiam at hotdog! Masarap na saging con yelo ang pumukaw sa uhaw at natitirang gutom ng tiyan ko, saka sumaglit sa UST TFC store para tignan kung may LTS shirt na. Sa inaasahan, wala pa rin. Nagtungong P. Noval para bumili ng folder at manghawa na bumili na rin ang kasama. Haha!
Naghiwalay na kami ng daan ni Miguchi at sumakay na ko patungong Lawton. Sandali lang ang biyahe subalit napaka-layo naman ng binabaan ko. Hyper nanaman ang dyip na 'yon. Natagalan at nakipagpatintero nanaman ako sa mga bus tungong Altura. Mabuti naman at ordinary lang ang nasakyan ko dahil mas gusto ko ang lamig ng hangin sa hapon at masarap tumanaw mula sa bintana. Ang sarap sana kuhanan ng mga ulap na maganda ang pagkakaayos sa ibabaw ng crescent moon. Sa pagtanaw at paglipat ng pokus mula sa binabasa tungo sa mundong gumagalaw sa labas ko. Nakita ko na din ang isang daan na matagal ko ng hinahanap. Nang pababa na ako ng bus ay halos itulak na ako ng kundoktor. Ewan ko lang kung bakit, basta may sinasabi siya na: "gyaa gyaa Altura." Ano? Alam ko naman na nagmamadali sila pero wala namang tulakan, manong. Nakarating ako sa Sikap na nagbabasa pa rin ng libro, naalala ang mga pangyayari sa araw na ito at nagsimula ang kaba sa kapatid.
Bukod sa isang malakas na batok at good timing ng isang nursing student na napatay matapos ma-rape sa balita ay tapos na ang kalbaryo ko sa misang inaasahan mula sa kapatid. Kaso heto naman ang naglalamay ako sa pagkakalumpo ng aming modem. Kaya stand-by ang asignment ko at ilang oras ko ng sinusulat ang entry na ito.
Sa puntong ito ay dapat ko na yatang balikan ang aking mga babasahin para naman maging handa para bukas. Laking pasalamat ko na sumisipag akong mag-basa, kung hindi, ewan ko nalang sa mga grado ko. Malapit na ang pasko at nalulungkot nanaman ako tuwing naririnig ko ang tunog na kahalubilo ng kindat ng Christmas light sa mga bahay. Ngayon ko lang na-aapreciate ang tunog nun dahil wala kaming Christmas light sa taon na ito. Nanlilisik na rin ako sa tres, at marahil magandang regalo sa sarili ang pagaayos ng buhay...
Tingin niyo?
Currently listening to: Mr. Children - "Youthful Days"
Currently reading: "Dekada '70" by Lualhati Bautista