August 8th, 2004
Ang araw na nag-isip ako para sa aking bansa...

Marahil ay para sa nakararami, napaka-drama ng pamagat kong ito. ngunit bakit nga ba? sa totoo lang ay hindi ko rin alam, baka 'feel' ko lang o gusto kong maging kakaiba naman ang laman ng tala-arawan kong ito. marahil rin, na kahit isang beses sa buhay ko, ay masabi ko, na sa isang araw ay naramdaman ko ang pagka-Pilipino ko, at mababalikan ko ang pakiramdam na ito sa mga sususnod na panahon.
ano nga ba ang talagang nangyari...
kahit na namumuo ang dugo sa mga mata ko (kakagaling lang sa sore eyes T_T), ay naglakas pa rin ako ng loob na kumuha ng pagsusulit sa Unibersidad ng Pilipinas. e ano kung mas malaki ang persiyento ng pagka-bigo kaysa sa pag-pasa, ang alam ko lang ay binigyan ko ng tiyansa ang sarili ko na gawin ang maaari kong gawin para makapasok sa eskwelahan kong pinapangarap. kabado, gutom, puyat ang naging kalagayan ko nung araw na iyon. ngiti lang ng ngiti sa sasakyan at waring walang importanteng magaganap, pero pagdating ko sa lugar, aba! nagsimulang mangatog ang tuhod ko. hindi ko alam kung likha lang ito ng matagal na pagsakay sa sasakyan, gutom o kaba. parang halo-halo na. mabuti nalang ay may mga kaibigan akong handang tumulong at magbigay ng lakas ng loob.
kalmado lang sa loob ng Solair...natapos ang pagsusulit...nabunutan ng tinik...
parang grasyang bumuhos ang ulan paglabas namin sa silid-aralan na aming pinanggalingan. ang hindi mawawalang kamustahan ng mga magkakaibigan ay nariyan pa rin, hanggang sa mapadpad kami sa Education building, mula sa pagsakay sa "UP ikot" na dyip, hanggang sa sumakay kami palabas ng kampus at maghanap ng makakainan. ang aming nadatnan? McDo. sa loob ng kainan ay umorder kami ng mga pagkaing amerikano, na hindi ko maitatangging lamang ang kawili-wiling "french fries" ng McDo kaysa sa pang-MASA nating Jollibee. isang pagsasama-sama ng pagkakaibigan, pagpapalitan ng kuro-kuro. hindi ito nawala noong araw na iyon. pero sa unang pagkakataon, hindi lalake, pag-ibig, o tsismis ang naging usapan noong tanghaling iyon.
sabihin na nating binatikos namin ang sarili naming paaralan, pero sa aming naging usapin, ay wala akong masaabi kundi pawang katotohanan lahat ng aking narinig. isang kasiraan para sa aking paaralan na maging ang kanyang mga estudyante ay babatikos sa kanya, pero bakit nga ba namin ito ginagawa? dahil kami ang sumasalo sa mga palpak niyong desisyon at nahihirapan sa mga batas na pinapatupad niyo. ni ayaw niyo man lang pakinggan ang amin sasabihin. oo't meron ngang Student Council, pero hindi ba ang pagpapasiya ay nasa inyo pa rin. ang kalayaan namin na magdesisyon para sa ika-bubuti ng marami ay hinahatulan niyo rin ng HINDI, at "AGAINST THE RULES OF THE SCHOOL", pero naisiip niyo ba na ibang panahon na ito, at ang mga "rules" niyong ginto ay nadurog na ng panahon. sumisigaw na kami ng pagbabago pero nagtayo na kayo ng dingding pang-harang sa amin.
tumila ang ulan na waring sinadya ng panahon para magbukas uli ng isa pang usapan. nagtungo kami sa Ateneo, na nangyari na kalapit lang ng UP, linakad namin ang malaki, at magandang lugar na iyon, tahimik dahil Linggo, pero may mga tao pa rin sa paligid. pinagmasdan ko ang kampus at napansin ang mga naglalakihang puno. maganda...malamig sa paningin....masarap ang simoy ng hangin. kung ganito lang sana karami ang puno sa siyudad, hindi lang maganda tignan ang lungsod, sa kabila ng mga kaganapang hindi kanais-nais, ay menos pulosyon pa. napunta kami sa isang pang lugar ng paaralan kung saan kami nagpatila ng ulan. umopo kami sa mga bakanteng upuan, pinapanood ang ulan na linisin ang aming mundo. nabukasan ang isa pang isyu. mga isyung pambansa. hindi ko rin inaasahan ito, pero napasubo na rin ako sa batuhan ng opinyon at pagsasama-sama ng ideya ng bagong kabataan. hindi ko man maalala lahat ng aming natalakay ay masasabi kong napaka-makabuluhan, at lakas loob ko na sasabihing kung mabibigyan ng pagkakataon na maisakatuparan ang mga plano namin ay maaring magkaroon ng bagong Pilipinas. at ng isang "reyna" bilang pinaka-makapangyarihan sa bansa, hindi presidente. bakit? eheehe...akin nalang yon! ^^V
habang nasa usapin, ay hindi ko rin maiwas ang paghahambing, dahil ito ay may katotohanan. bakit ang Pilipinas ay nangliliit sa mga bansang mas maliit pa sa kanya ngunit sobra ang kasaganahan kumpara satin? tulad ng Singapore, na may disiplina sa kalinisan, Japan at Korea, na sa kabila ng pagiging "technology driven" at na-pepreserve pa rin ang lumang kultura, hindi nasasabihan ng "baduy"? tama ba ko? maiiwasan ko ba ang paghanga sa mga bansang ito?
mabasa man ng ulan ay nakauwi rin, lahat kami ay hanap ng aming kama para makapag-pahinga. pero ako at heto't nag-abalang magsulat sa blog ko. ayoko kasing lumipas ang araw na ito at hindi ko mabalikan pa. isa pa ngang rason kung bakit ako napasulat sa tagalog, hindi ba "Buwan ng Wika" ang Agosto? ikaw, naalala mo ba?
minsan, kailangan rin nating itabi ang biruan at tawanan, maging sensitibo sa paligid mo, malay mo kaibigan, nasa-iyo pala ang sagot na hinihintay ng ating inang bayan...








most fave anime ko at pairing sa buong mundo!